-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Muling naghigpit ang Wuhan City sa mga turista matapos na makapagtala ng apat na bagong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa tinaguriang ground zero ng coronavirus.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Chai Roxas, OFW sa Wuhan City, China sinabi niya na apat na Indian national ang isinailalim sa isolation matapos magpositibo sa COVID-19 ngunit pawang asymptomatic.

Agad na nagsagawa ng contact tracing ang Disease Control and Prevention ng Wuhan City at isinailalim sa quarantine ang mga nakasabayan sa eroplano na nasa 254.

Sa kabila ng naitalang bagong kaso ng COVID-19 ay tuloy sa panunumbalik sa normal na operasyon ng iba’t ibang establisimiento.