LEGAZPI CITY — Matagal na umanong nagbibigay ng abiso ang punong barangay ng Barangay Arimbay, sa lungsod ng Legazpi sa mga residente nito na huwag makisangkot sa mga iligal na aktibidad kagaya ng illegal gambling.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kapitan Janet Bea, hindi umano ito nagkulang sa pagpapapaalala na bawal ang mga iligal na pagsusugal kagaya ng cara y cruz, bingo at iba pang laro na may pustahan.
Reaksyon ito ng kapitan matapos na mahuli ang apat na drivers sa may paradahan ng Tahao Road jeepneys sa nasabing barangay, na naglalaro ng cara y cruz.
Kinilala ang mga akusado na sina Raul Biago, 60, residente ng barangay; Rene Barcelona, 30, ng Barangay Homapon; Cornellio Daep, 47, ng Barangay Pawa at si Alvin Benitez, 40, ng Barangay San Francisco.
Samantala, ibinahagi naman ni Bea na naglilibot ang konseho upang ma-monitor ang mga magsasakang apektado ng tag-init upang mabisita ng agriculturist at mabigyan ng kaukulang tulong.
Kahit pa may mga pangamba sa mga tanim na palay, tiniyak naman ng opisyal na mabuti pa ang daloy ng tubig sa lugar.