-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Sumiklab ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng pulisya at armadong grupo sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Putiao, Pilar, Sorsogon.

Tatlong sibilyan ang naiulat na sugatan matapos na tamaan ng shrapnel habang nagtamo rin ng pinsala ang isang truck na nakaparada.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Police Regional Office (PRO)-5, pinaputukan ng hindi pa matukoy na bilang ng armadong kalalakihan ang 11 tauhan ng 92nd Special Action Company sa pamumuno ni PMSgt. Osmer Edwin Aspa na bumiyahe mula sa bayan ng Juban patungong Camp Simeon Ola sa Legazpi City para magpa-RT PCR test.

Nabatid na nagkaroon muna ng dalawang pagsabog ng improvised explosive devices (IEDs) kaya’t nauwi sa palitan ng putok ang insidente na tumagal ng limang minuto.

Samantala, sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Anthoy Ferwelo, hepe ng Pilar Municipal Police Station, nagdagdag na ng tauhan sa lugar upang magsagawa ng hot pursuit operations.

Nabatid na nangyari ang insidente malapit sa pila ng mga sasakyang na-stranded dahil sa Bagyong Auring na tatawid sana sa Matnog port patungong Visayas at Mindanao.

Bineberipika rin ang impormasyon na nasa lugar ang armadong grupo upang magsagawa ng extortion activity sa pila ng mga stranded vehicles.

Isa pang pulis man na kinilalang si PCpl. Jeffrey Enconge Putian ang nagtamo ng minor injuries.