TACLOBAN CITY – Matagumpay na nabuwag ng mga otoridad ang isang drug den sa isinagawang drug buy bust operation sa Barangay 109-A, V&G sa lungsod ng Tacloban.
Ayon kay Rogellete Urgel, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 8, apat na suspek ang naaresto sa operasyon.
Kinilala ang mga ito na sina Carlo Juliano Go, drug den maintainer; Jojemar Laudino, Kyle Michael Gomez at Carlito Go; na pawang mga residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska sa mga ito ang tatlong sachet ng pinaniniwalaang shabu na may estimated market value na P3,400 at ilang mga drug paraphernalia.
Sa ngayon ay nahaharap na sa karampatang kaso ang mga suspek.
Nabatid na una na ring na-dismantle ng pulisya ang isa pang drug den sa Tacloban noong nakaraang linggo kung saan apat na katao rin ang nadakip.