-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 ang isinampa laban sa apat na katao, kabilang ang tatlong senior citizen na nahuling nagma-mahjong sa Barangay Pantoc, Narvacan, Ilocos Sur kahapon.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Police Captain Arcadio Viloria, hepe ng Narvacan municipal police station, nakilala ang mga suspek na nahuli sa nasabing anti illegal gambling operation na sina Joe Tapalgo, 30-anyos; Sonia Cabusora, 67-anyos; Pilar Abulog, 63-anyos at Betty Cabusora, 79-anyos na pare-parehong residente ng nasabing lugar.

Ayon kay Viloria, nakatanggap umano sila ng impormasyon hinggil sa pagsusugal ng mga nasabing suspek sa nasabing lugar kaya nagsagawa sila ng operasyon kung saan naaktuhan nila ang mga ito na naglalaro ng mahjong sa loob ng bahay ni Antonette Arquines.

Inamin ni Arquines na halos araw-araw umanong naglalaro ng mahjong ang mga nasabing suspek sa kanilang bahay ngunit ito ay pampalipas – oras lamang lalo pa’t umiiral ang enhanced community quarantine dahil sa COVID- 19.

Nakuha mula sa mga ito ang isang mahjong set, mesa, apat na upuan at ang bet money na aabot sa PHP 284.