NAGA CITY- Sugatan ang apat na katao matapos na magkasalpukan ang dalawang motorsiklo sa Buenavista, Quezon.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Lorena Villamor, 39-anyos; Reden Beledres, 33-anyos; alyas Jerrick, 22-anyos at isang menor de edad na babae.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Beledres ang kahabaan ng Brgy Manlana sa nasabing bayan kasama ang kanyang mga backrider na sina Villamor at 10-anyos na batang babae ng bigla na lamang pumasok sa kanilang linya ang motorsiklo na minamaneho ni alyas Jerrick mula sa opposite lane.
Dahil dito, nabangga ng motorsiklong minamaneho ni alyas Jerrick ang unahan na bahagi ng motorsiklo ni Beledres na naging dahilan sa pagsalpukan ng dalawang sasakyan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nabatid na dahil rin sa pangyayari, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang apat na kaagad naman na dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa nasabing insidente.