BAGUIO CITY – Nasawi ang apat na katao, habang sugatan ang isa pa matapos matabunan ng gumuhong lupa ang isang bahay sa Sumigar, Viewpoint, Banaue, Ifugao pasado alas-onse kagabi.
Nakilala ang isa sa mga nasawi na si JOSE PIOG, 71-anyos, residente ng Bocos, Banaue, Ifugao.
Ayon sa pamangkin ni Piog, nakisilong lamang ang kanilang tiyuhin sa nasabing bahay matapos ma-stranded sa daan.
Inaalam naman ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng tatlo pang bangkay na narekober sa pinangyarihan ng insidente.
Nagpapagaling naman sa isang klinika ang isa pang na-rescue sa insidente na nakilalang si James Harold Guinyang.
Napag-alamang 12 na mga construction workers ang nakatira sa natabunang bahay.
Ipinagpatuloy kaninang umaga ang search and rescue operation matapos itigil kagabi dahil sa delikadong sitwasyon.
Samantala, mahigpit namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Ifugao sa mga otoridad sa Quezon, Nueva Vizcaya dahil dalawa sa limang nasawi sa landslide incident sa mining area sa Sitio Compound, Brgy. Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya ay parehong residente ng Ifugao.
Ayon sa Ifugao PDRRM Office, ang dalawa ay residente ng Lamut at Lagawe ng nasabing lalawigan.
Samantala, aabot sa 54 pamilya o 153 indibidual ang lumikas sa Ifugao, partikular sa mga bayan ng Asipulo, Aguinaldo, Mayoyao at Kiangan habang sarado pa rin ang tig-dalawang national at provincial roads doon.