Patay ang apat na hinihinalang kidnappers sa isinagawang operasyon ng PNP Anti-kidnapping Group (AKG) at Quezon City Police District (QCPD) sa inilunsad na operasyon kaninang madaling araw sa may bahagi ng Zuzuarregi St. Batasan, Quezon City.
Ayon kay QCPD District director, B/Gen. Danilo Macerin, nanlaban umano ang mga suspeks na naging dahilan daw para mag-retaliate ang mga pulis.
Ligtas namang na-rescue ang dalawang kidnap victims.
Ang nasabing operasyon ay pinangunahan ni Lt Col. Morgan Aguilar ng PNP-AKG at Batasan Police Station (PS-6) sa pamumuno ni Major Romulus Gadaoni na may overall supervision ni Col. Villaflor Bannawagan.
Sinabi ni Macerin nasa proseso pa ngayon sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspeks.
“Ang suspect No. 1 was described as 5”2 in height, fair complexion, slim built, wearing grey t-shirt and maong pants; suspect No. 2 described as 5”4 in height, fair complexion, slim built, wearing orange t-shirt and black short pants; suspect No. 3 described as 5”6 in height, fair complexion, slim built, wearing brown polo shirt and yellow short pants; and suspect No. 4 described as 5”4 in height, fair complexion, slim built, wearing green t-shirt and maong pants,” pahayag pa ni Gen. Macerin.
Bago pa ang nangyaring sagupaan, nagsasagawa ng surveillance and monitoring ang mga tauhan ng AKG laban sa grupo nang tinaguriang “Wilbert Bonilla kidnap for ransom group” matapos iniulat ng isang confidential informant hinggil sa planong pagdukot ng grupo sa isang negsyante sa Quezon City.
Matapos ang ilang buwang pagmamatyag, namataan ang mga suspeks sa bahagi ng Commonwealth sakay ng isang van.
Agad nakipag-ugnayan ang PNP-AKG sa PS-6 ng QCPD na agad nagsagawa ng joint checkpoint operations.
At kanina bandang ala-1:00 ng madaling araw na-monitor ang mga suspeks na pinara ng mga ito ang isang sasakyan at pwersahang dinukot ang mga biktima sa loob ng sasakyan.
Habang binabaybay ng mga suspeks ang Capitol Hills St. corner Zuzuaregue St., Brgy. Old Balara, Quezon City, sakay sa dalawang sasakyan nakita ng mga ito ang checkpoints dahilan para mag-left turn.
Dito na nagkahabulan at nagsimulang magpaputok daw ang mga suspeks.
Sa nasabing labanan, patay ang apat na suspeks at na-rescue ang dalawang biktima.
Narekober sa posisyon ng mga suspeks ang samut saring mga baril, bala, at iligal na droga.
Kinilala naman ni Macerin ang dalawang na-rescue na mga kidnap victims na sina Edmer Tumagan at Michael Pearson Bongcaras na parehong mga empleyado ng Sybtites Construction Company.
Samantala, pinuri ni PNP-AKG director B/Gen. Jonnel Estomo ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.
Tinukoy ni Estomo na si Wilbert Bonilla alyas Bongbong ang siyang lider ng grupo.