Naaresto ng mga tauhan ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang apat na mga miyembro ng kidnap-for-ransom group kabilang ang kanilang lider sa Nueva Ecija.
Ito ay matapos na biktimahin nila ang isang negosyanteng Indian national na kinilalang si Harvinder Singh.
Ayon kay S/Supt Glenn Dumlao, director ng PNP-AKG, ang biktima ay dinukot noong March 9, ng mga suspek sa Brgy. Sta. Barbara Llanera, Nueva Ecija
Agad aniyang nag-demand ng P10 milyon ang mga suspek kapalit ng kalayaan ng biktima.
Pero matapos ang pay off operation noong March 24, kinaumagahan ay agad na ini-release ng mga suspek ang biktima.
Kasunod ito ng isinagawang operasyon ng PNP sa pagitan ng Brgy. Agupalo at Brgy. Canaan, Nueva Ecija na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na suspeks.
Ang mga ito ay kinilalang sina Jerry Cabading Caasi, na kumuha ng ransom, Francis Castro, Gregorio Peña at Gurmeet Sighn ang lider ng grupo.
Sa operasyon ng mga otoridad nakuha sa mga suspek ang P600,000 cash, tatlong caliber .45 nabaril at isang granada.
Sa ngayon ay nakakulong na ang tatlo sa PNP-AKG detention cell habang ang lider nilang si Gurmeet ay nanatili sa PNP General Hospital matapos masugatan sa isinagawang operasyon ng mga otoridad.