Sinentensyahan na ng Supreme Court (SC) ang apat na miyembro ng isang kidnap for ransom group na nasa likod ng pag-kidnap at pagpaslang sa isang physician at retiradong military officer noong Hulyo 1998.
Sa 12 pahinang desisyon na sinulat ni Senior Associate Justice Esatela Perlas-Bernabe, pinatawan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong ang mga suspeks na nasa likod ng pagkamatay nina retired Major Igmedio Arcega at Dr. Eliezer Andres Sr.
Napatunayang guilty ang mga akusado na sina Zaldy Bernardo, Monroy Flores, at Mila Andres Galamay sa salang kidnapping with homicide at sinenstenyahan ng reclusion perpetua at walang parole. Pinagbabayad din ang mga ito ng P300,000 bilang danyos sa naiwang pamilya ni Andres.
Sa kabilang banda, ang isa pang akusado na si Rogelio Antonio ay napatunayang guilty sa pagpaslang kay Arcega. Kinakailangan din nito na magbayad ng P275,000 sa pamilya ng biktima.
Ipinag-utos naman ng Korte Suprema na i-terminate ang kaso laban sa isa pang suspek na si Danny Cortez makaraang mamatay ito habang pending pa ang kaso.
Ang mga biktima ay nagtungo sa Sta. Lucia Mall sa Cainta, Rizal noong Hulyo 2, 1998 para magkahiwalay na makipagkita sa isang grupo na nagbebenta umano ng gold bars.
Hindi na raw nakabalik si Andres kaya naman kaagad ipinaalam ng anak nito kay Arcega na nawawala ang kaniyang ama. Sinubukang bumalik ng dalawa sa loob ng mall para hanapin si Andres ngunit naramdaman ng mga ito na sinusundan sila ng mga suspek. Ilang araw lamang ay nawala na rin si Maj. Arcega.
Kalaunan ay humingi na ng P10 million na ransom money ang mga suspek sa pamilya ng mga biktima. Dinala ito sa Jalajala, Rizal habang sinunog naman ang kaniyang sasakyan sa Norzagaray, Bulacan.
Natagpuan ang sugatang bangkay ni Andres sa Mabitac, Laguna at ang katawan naman ni Arcega ay ibinaon sa isang lote sa Jalajala.