CAUAYAN CITY – Nadakip ng mga otoridad ang apat na lalaking wanted sa batas sa magkakaibang bayan sa Isabela.
Unang nadakip sa Brgy Calaocan, Alicia, Isabela si Jefferson Mabutol, 21-anyos, binata, walang trabaho, at residente ng naturang lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dinakip ng mga kasapi ng Alicia Polcie Station ang akusado matapos isilbi ang mandamiento de aresto na inilabas ni Hukom Andrew Barcena ng Regional Trial Court Branch 17, Ilagan City dahil sa kasong paglabag sa RA 9125 o Northern Sierra Madre Natural Park Act of 2001.
Nasa P36,000 ang inerekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Nadakip sa Brgy Upi, Gamu, Isabela si Regiemar Guittu, 31-anyos, empleyado ng isang pribadong kumpanya, binata at residente ng naturang barangay.
Dinakip ng mga kasapi ng Gamu Police Station ang akusado sa bisa ng mandamiento de aresto na inilabas ni Hukom Angerico Ramirez ng 11th MCTC GAMU-BURGOS, Isabela sa kasong Acts of Lasciviousness na may piyansa na tatlumpot anim na libong piso.
Pangatlong nadakip si Gadfrey Sudaria, tatlumpot isang taong gulang, merchandizer, tubong Malolos, Bulacan at pansamantalang nakatira sa Brgy Barucboc Quezon, Isabela.
Si Sudaria ay dinakip ng mga kasapi ng Quezon Police Station sa bisa ng mandamiento de aresto na inilabas ni Hukom Maria Zenaida Bernadette Mendiola ng Regional Trial Court Branch 80, Malolos City, Bulacan sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Dalawampot apat na libong piso ang inerekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Huling nadakip ng mga otoridad si Ferdinand Crisologo, 35-anyos, magsasaka at residente ng Dalena, San Pablo, Isabela.
Dinakip ng mga kasapi ng San Pablo Police Station ang akusado sa bisa ng mandamiento de aresto na inilabas ni Hukom Felipe Jesus Torio ng Regional Trial Court Branch 22 Cabagan, Isabela sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Illegal Logging Law na may inerekomendang piyansa na P4,000.