BACOLOD CITY – Pawang namatay ang apat na lola na nagkataong nagkakape sa isang tindahan na inararo ng pick-up sa Jimalalud, Negros Oriental kahapon.
Ayon sa traffic investigator ng Jimalalud Municipal Police Station na si Police Staff Sergeant Joey Patuc, nag-overtake ang Isuzu D-MAX sa sinusundan nitong van ngunit nawalan ng kontrol ang driver hanggang sa dumiretso sa tindahan sa tabi ng daan kung saan nagkakape ang mga senior citizens.
Dahil sa impact ng pagkabangga, tumilapon pa sa kanal ang isang matanda habang ang tatlo ay kumalat sa outer lane ng highway.
Masuwerte namang tumama ang pick-up sa malaking puno ng kahoy kaya hindi na ito dumiretso sa isang bahay.
Ang mga matatanda ay nagngangalang Lydia Garsula, 72-anyos; Melagros Garsula, 82; Herminigilda Gantalao, 76 ; at Remedios Gabillar, 76, mga residente ng Jimalalud, Negros Oriental.
Dahil sa maraming sugat sa katawan, dead on the spot ang dalawang matanda habang sa ospital na binawian ng buhay ang dalawang iba pa.
Nagpapagamot naman sa ACE Medical Doctors sa Daro, Dumaguete City ang driver ng SUV na kinilala kay Robert Go Lim, 62-anyos na nagtamo ng minor injuries.