LA UNION – Mahigpit ang pagbabantay ngayon ng mga otoridad sa apat na lugar sa bayan ng Balaoan, La Union dahil sa matindi umanong bakbakan ng magkakalaban na kandidato sa halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Balaoan PNP chief Maj. Juanito Buaron Jr., na kabilang sa itinuturing nilang critical area ang San Nicolas Academy sa Brgy. Dr. Camilo Osias dahil dito boboto ang magkapatid na sina incumbent Mayor Aleli Concepcion at Vice Mayor candidate Carlo Concepcion.
Minsan na ring pinasabog ang bahagi ng paaralan noong 2010 elections.
Kasali rin sa listahan ang Castor Z. Concepcion Memorial National High School sa Brgy. Antonino, Balaoan, La Union kung saan binaril councilor na si Rogelio Concepcion noong nakaraang linggo;
Ang Balaoan National High School sa Brgy. Antonino kung saan boboto naman sina Retired Gen. Pedro Ubaldo na tumatakbong mayor at runningmate na si Joaquin Ostrea bilang bise-alkalde; at ang Brgy. Pagleddegan.