MANILA – Inamin ng Department of Health (DOH) na nasa alanganing sitwasyon na ang mga ospital sa apat na lungsod ng National Capital Region (NCR).
Ayon sa DOH, malapit ng mapuno ang kapasidad sa COVID-19 patients ng mga ospital sa Las Piñas, Pasay, Parañaque, at Marikina City.
“Hindi naman pagka-puno pero nasa risk level na mataas,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na ang pag-apaw ng hospitalization rate sa mga lungsod ay naka-depende sa bilang ng mga inilaan nilang kama para sa COVID-19 patients.
“Halimbawa ang Marikina hindi naman ganoon karami ang ICU beds nila. Mayroon lang silang isang Level 3 hospital and that is still a government hospital. Kapag tiningnan natin yung Amang Rodriguez (Memorial Medical Center), mababa ang kanilang utilization sa hospital.”
“(Pero) yung maliliit na ospital like Level 2 and 1, may mga pa-isa o dalawang ICU kaya mabilis tumaas ang kanilang healthcare utilization, but it is not reflective really of what is happening within the city.”
Ayon kay Vergeire, patuloy na pinalalawig ng DOH ang kapasidad sa intensive care unit ng mga ospital.
Ang mga pasyenteng isinusugod sa ICU beds ay ang yung mga nasa malalang antas na ng COVID-19 infection.
“Doon sa Paranaque at iba pang lugar na ating nabanggit, ganoon din ang ating estado.”
Kamakailan nang manawagan ang Philippine College of Physicians sa DOH ukol sa umaapaw na kapasidad ng Philippine Heart Center at San Lazaro Hospital.
Ayon kay Vergeire, natugunan na nila ang sitwasyon sa naturang mga ospital, sa tulong ng medical chiefs nito.
“We were able to thresh it out with the medical center chiefs at nasolusyunan ang mga ito.”