Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipatutupad na simula ngayong buwan ang pagtataas sa social pension ng indigent senior citizens sa P1,000 mula sa kasalukuyang P500.
Sinabi ni DSWD Undersecretary Eduardo Punay, mahigit apat na milyong senior citizen ang inaasahang makikinabang sa social pension program.
Aniya, ang pondo para sa social pension ay itinaas sa P50 milyon noong 2024, mula sa P25 milyon noong 20223, upang matugunan ang pagtaas ng rate.
Gayunpaman,ayon kay Punay, hindi sapat ang pondo para ma-accommodate ang lahat ng senior citizens na base sa record ng National Commission for Senior Citizens ay umabot na sa mahigit 12 milyon.
Aniya, maraming matatanda ang nag-aappply para mapabilang sa social pension na hindi nila kayang tanggapin dahil limitado lang ang allowance sa mga indigent, lalo na ang mga hindi nakakatanggap ng pension sa pamamagitan ng Government Services Insurance System (GSIS) o Social Security System (SSS), bukod sa iba pa.
Layunin ng social pension program na dagdagan ang pang-araw-araw na kabuhayan at iba pang pangangailangang medikal ng mga mahihirap na senior citizen.
Nauna nang sinabi ng DSWD na mayroong 4.1 milyong indigent seniors ang naka-enroll sa social pension program ng departamento, habang hindi bababa sa 466,000 indigent senior citizens ang nasa waitlist.