Narescue ng mga tauhan ng Philippine Navy ang apat na mangingisda na dalawang araw nang istranded sa karagatan ng Marivels, Bataan matapos masiraan ng makina ang kanilang sinasakyang fishing boat nuong September 16,2021.
Ayon kay Philippine Navy Fleet, Public Affairs Chief, LCdmr Ryan Luna, nagsanib pwersa ang dalawang barko ng Philippine Navy na pinangunahan ng warship nito ang BRP Jose Rizal (FF150) at ang BRP Manobo (LC297) para mailigtas ang apat na mangingisda na palutang-lutang sa karagatan.
Sinabi ni Luna, nakatanggap ng radio call ang Acting Commanding Officer ng frigate FF150 na si Cdr Paul Michael Hechanova hinggil sa napaulat na distressed motorized fishing boat, dahilan para agad na nag-manuever ang BRP Manobo sa vicinity kung saan naruon ang mga na-istranded na mga mangingisda.
Pinangunahan ni Cdr Danish Ruiz, commanding officer ng BRP Manobo ang matagumpay na rescue operation sa apat na crew ng F/B Jhon and Jane.
Nakilala ang mga nailigtas na mangingisda na sina: Joshua Matugas, Rainiel Castillo, John Rollie Soliman at Roger Valencia pawang mga residente ng Naic, Cavite.
“The presence of our Philippine Navy assets across the country, the vigilance of our sailors and their prompt response to any maritime situation help secure our seas and prevent the unnecessary loss of lives,” pahayag ni LCdmr Luna.