LEGAZPI CITY – Ligtas nang nakabalik sa bayan ng San Andres, Catanduanes ang apat na mangingisda matapos na maiulat na nawawala nitong Huwebes, Abril 18, dahil sa pagtaob ng sinasakyang bangka.
Kinilala ang mga ito na sina Paul Andino, 43; Rail Tubion, 37; Israel Romano at Reymar Nares na pawang taga-Davao.
Sinabi ni Ens. Mark Anthony Flores, station commander ng Coast Guard Station (CGS)-Catanduanes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, paglangoy sa dagat habang naglilibot lulan ng isang maliit na bangka ang pakay ng mga ito sa lugar.
Subalit nakasagupa umano ng mga dayo ang malalaking alon nang makarating sa bahagi ng karagatan kung saan naiulat ang pagkawala ng mga ito.
Mabilis naman ang naging responde ng CGS Catanduanes sa nangyari kasunod ng pagpapatupad ng search and rescue operation.
Dakong alas-6:45 kaninang umaga nang muling pumalaot ang team at makuha ang mga itong palutang-lutang sa dagat habang naiturn-over na rin ang apat sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Andres.
Nakatakda ring suriin ang kabuuang lagay ng mga ito matapos na magtamo ng kaunting galos.
Kaugnay nito, mahigpit ang babala ni Flores sa mga biyahero na mag-ingat lalo na sa mga balak mag-island hopping at mag-swimming.
Inaasahan naman ang dagsa ng marami pang turista sa Catanduanes bukas hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.