-- Advertisements --
ONE MMA

BAGUIO CITY – Handang-handa na ang apat na mix martial arts fighters mula sa Cordillera sa kani-kanilang laban sa gaganaping ONE Warrior Series 7 sa Singapore mamayang gabi.

Papangunahan ng rising star ng Team Lakay na si Lito Adiwang ang mga kasama nitong Igorot fighters sa pagkamit ng mga ito ng kontratang nagkakahalaga ng higit P5-million sa ONE Championship, ang kinikilalang largest global sports media property sa buong Asya.

Magsisilbi ring main event ang laban ni Adiwang kay Anthony Do ng Vietnam.

Kinokonsidera si Adiwang bilang isa sa mga most explosive fighter sa hanay ng mga fighters ng ONE Warrior Series matapos nitong ma-establish ang kanyang sarili bilang isa sa mga world’s top strawweight prospects nang talunin niya sina Manuel Huerta at Alberto Correia sa first round pa lang ng laban ng mga ito.

lito adiwang
Team Lakay Lito Adiwang

Gayunman, masusubok ang galing ni Adiwang sa kanilang paghaharap ni Do na nagsasanay mula sa American Kickboxing Academy sa California, USA na pinagmulan din ng ilang MMA world champions.

Samantala, makakaharap naman ni Ismael Bandiwan mula Tribal Submission si Adib Sulaiman ng Brunei Darussalam habang hahamunin naman ni Dave Banguigui ng Fight Corps MMA si Alberto Correia ng Brazil.

Umaasa rin ang lady fighter na si Jenelyn Olsim ng Team Tribal Torogi na makakapagtala siya ng panalo sa kanilang paghaharap ni Caitlin McEwen ng Australia.