-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Inalis na ng Inter-Agency Task Force ang suspensyon sa dragon boat race sa Boracay.

Sa liham na ipinadala ni Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group General Manager Natividad Bernardino kay Malay Acting Mayor Frolibar Bautista, epektibo agad ang pagsasawalang bisa sa nasabing suspensyon.

Nangangahulugan ito na maaari nang magsagawa ng kahit anong aktibidad ang apat na grupo na mayroon sa tanyag na isla.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng task force ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan at ang Philippine Coast Guard na kailangang mahigpit na ipatupad ang Executive Order No. 037 series of 2019 o “An Order Setting the Guidelines for Dragon Boat Trainings” sa naturang bayan na siyang may hurisdiksyon sa Boracay.

Kung maaalala, sinuspinde ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu ang lahat ng dragon boat activities sa isla kasunod ng trahedyang nangyari sa dagat noong Setyembre 25, 2019, kung saan pitong paddlers ng Dragon Force team ang nasawi habang 14 ang nakaligtas.