CENTRAL MINDANAO-Apat na mga terorista ang sumuko sa militar sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga rebelde na sina Sanny Boy Satol Mamalumpong, Ato Menis Sandato, Satol Gamblay Butuan at Darang Katog,mga tauhan ni Kumander Kagui Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).
I-prenisenta mismo nina 602nd (Liberator) Brigade Commander Colonel Jovencio Gonzales at 34th Infantry (Reliable) Battalion Commanding Officer Lt. Col. Edgardo Vilchez Jr.,ang apat na sumuko na miembro ng BIFF kay Midsayap Cotabato Mayor Romeo Araña.
Dala ng apat na BIFF sa kanilang pagsuko ang isang modified M60 barrett rifle, dalawang modified 7.62mm sniper rifles, at isang M14 rifle,mga bala at magasin.
Pinuri naman ni Col. Gonzalez ang PNP at LGU-Midsayap sa kanilang pagsisikap na mahikayat ang mga rebelde na sumuko at magbagong buhay.
Nangako si Mayor Araña, na tutulungan at susuportahan nila ang mga sumukong BIFF para sa kanilang pagbabalik sa komunidad.
Nanawagan naman si 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy sa ibang BIFF na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.