Nawawala ang nasa apat na aircrew members sakay ng Australian Army helicopter matapos na mag-crash ito sa may Pacific ocean malapit sa Hamilton Island, Queensland nitong gabi ng Biyernes habang isinasagawa ang multi-national military exercises.
Ayon kay Australian Defense Minister Richard Marles, nagsasagawa ng 2 helicopter training mission ang MRH90 helicopter na kilala bilang Taipan lulan ang apat na crew nang bumagsak ito dakong 10:30 p matapos na mag-emergency landing sa katubigan.
Nagpapatuloy ngayong araw ng Sabado ang rescue efforts para sa nawawalang aircrew na lahat ay mula sa Australian Army at naipaalam na sa kanilang mga pamilya ang nangyari.
Iniulat naman ng isang rescue helicopter na may namataang debris nitong umaga ng Sabado malapit sa Dent Island sa Whitsunday Islands group
Sa ngayon, hindi pa inilalahad ng mga opisyal ang dahilan ng naturang insidente.
Kalahok ang naturang chopper sa Exercise Talisman Sabre, isang joint U.S.-Australian military exercise kung saan kalahok dito ang nasa 30,000 military personnel mula sa 13 mga bansa gaya ng Australia, Amerika, Japan, France, Germany, at South Korea
Idinisenyo ang naturang military exercise para suriin ang large-scale logistics, land combat, amphibious landings at air operations at bilang pagpapakita ng kalakasan ng alyansa ng Western military.
Hindi pa malinaw kung ipagpapatuloy pa ang military drills na nakatakdang magtapos sa Agosto 4 matapos ang naturang insidente.