Nadagdagan pa ng isa ang bilang ng mga kumpirmadong gumaling sa coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Batay sa inilabas na data ng Department of Health (DOH), recovered na mula sa nasabing sakit si PH25 na isang 31-year old na lalaki at residente ng Negros Oriental.
Kabilang siya sa dalawang Pinoy crewmen ng M/V Diamond Princess cruise ship na ni-repatriate at hindi kalaunan ay nag-positibo sa pandemic virus.
Ayon sa DOH, kinumpirma ng Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa Pampanga na dalawang beses nag-test negative ang pasyente.
Dahil dito, apat na mula sa mga naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa ang gumaling.
Samantala, kinumpirma rin ng DOH na may 45 bagong kaso ng nag-positibo sa sakit.
Nag-udyok ito para umakyat sa 187 na total number ng cases ng coronavirus disease sa Pilipinas.