-- Advertisements --
Sulkud Maguindanao PNP SAF

(Update) CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa 13 ang nasawi at pito ang nasugatan sa search warrant operation ng mga otoridad na nagsimula dakong alas-3:15 ng madaling araw kanina sa probinsya ng Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Col. Donald Madamba, magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BAR) katuwang ang PNP-SAF at militar sa Sitio Torres, Barangay Limbo, Sultan Kudarat, Maguindanao laban kay dating Brgy. Limbo barangay chairman Datu Pendatun Adsis Talusan.

Papasok pa lang umano ang raiding team sa kanilang target ay pinaputukan na sila ng mga armadong tauhan ni Talusan.

Isa kaagad ang nasawi at apat ang nasugatan sa mga otoridad.

Dumating naman ang reinforcement ng Philippine Marines at Philippine Army na tumulong sa CIDG-BAR.

Gumamit na ng dalawang V-300 armored personnel carriers ang mga otoridad at saka pinaputukan ang mga tauhan ni Talusan.

Sultan Kudarat maguindanao

Pansamantala ring isinara ang national highway sa mga motorista kaninang madaling araw.

Nang humapa ang engkwentro labing dalawa sa mga suspek ang nasawi kasama na si Talusan na nahaharap sa kasong frustrated murder, robbery with murder at double frustrated homicide.

Patay din si Sgt. Reynel Pido at sugatan ang apat niyang mga kasamahan na mga tauhan ng CIDG-BAR.

Tinamaan din ng mga ligaw na bala ang tatlong sibilyan sa nangyaring engkwentro.

Narekober naman ng mga otoridad ang samu’t saring matataas na uri ng armas, mga bala, magazine at mga pampasabog.

Binuksan na rin ng mga otoridad ang national highway at passable na ito sa mga commuters.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pagtugis ng pulisya at militar laban sa mga armadong tauhan ni Talusan na nakatakas sa inilunsad na law enforcement operation.