4 na armadong suspek sa robbery holdup incident sa Mlang patay matapos manlaban – PNP
KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad matapos ang pagkasawi ng apat na mga armadong lalaki sa nangyaring engkwentro sa bayan ng Mlang, Cotabato ilang minuto lang kasunod ng kanilang ginawang panghoholdap sa karatig na bayan sa naturang probinsya.
Ito ang inihayag ni Lt. Col. Realan Mamon, hepe ng Mlang municipal police station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Mamon, nagresulta sa pagkasawi ng apat na mga armado ang ginawang nilang hot pursuit operation matapos na nakipagpalitan ng putok sa mga pulis ang mga ito.
Dagdag pa ng opisyal, pinigilan sila ng mga otoridad sa national highway sa bayan ng Mlang habang patakas sakay ng dalawang motorsiklo ngunit sa halip na huminto ay nagpahabol ang mga ito.
Lumabas sa imbestigasyon na unang nagpaputok ang mga armado kaya’t nagka-engkwentro na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang armado.
Samantala ang dalawa naman nitong kasamahan na sakay din sa motorsiklo ang nakabangga ng isang elf truck dahilan din ng kanilang pagkamatay.
Napag-alaman na ang bayan ng Matalam sa Cotabato ay di kalayuan sa Mlang kayat doon humantong ang habulan.
Dagdag pa ni Mamon, inaalam pa ng kanilang mga imbestigador ang tunay na mga identity ng apat na nasawing mga holdaper para malaman kung meron pa silang mga kasamahan na gumagawa ng krimen sa lugar.