Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na gagamitin sa pagpapatrulya sa teritoryo ng bansa ang apat na bagong Cessna Skyhawks ng Philippine Navy.
Ito’y matapos pormal na tinanggap ni Lorenzana mula sa pamahalaan ng Estados Unidos ang apat na bagong eroplanong Cessna 172S Skyhawk.
Ang turnover, blessing at activation Ceremony ngayong umaga sa Sangley Point, Cavite ay pinangunahan ni Lorenzana, kasama si US Chargé d’affaires Heather Variava, AFP chief of staff Gen Andres Centino at Navy Flag Officer in Command Vadm Adeluis Bordado.
Ang apat na bagong eroplano ay nagkakahalaga ng $2.2 milyong dolyar, na nakuha ng Pilipinas sa ilalim ng US Foreign Military Financing Program.
Ayon kay Lorenzana ang mga bagong eroplano ay gagamitin ng Philippine Navy Naval Air Wing, para sa mas epektibong pagpapatrolya sa karagatan ng bansa.
Nagpasalamat naman ang kalihim sa Estados Unidos kasabay ng pagsabi na ang matagumpay na acquisition program para sa mga bagong assets ay patunay ng makabuluhan at pang-matagalang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.