Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ang Pilipinas ng 4 na bagong kaso ng sakit na mpox.
Ayon sa ahensiya, ang bagong mga dinapuan ng sakit ay mula sa Calabarzon na ang edad ay nasa pagitan ng 24 at 66 anyos at nagsimulang makaranas ng mga sintomas noong unang linggo ng Nobiyembre.
Kapwa nagpositibo ang 4 na pasyente sa Clade II variant na mas banayad na uri ng virus.
Ang 2 sa mga pasyente ay kalalakihan mula sa Rizal habang ang 2 naman na lalaki at babae ay mula sa Laguna.
Kasalukuyan namang sumasailalim ang 3 kalalakihang nagpositibo sa sakit sa home isolation habang ang 66 anyos naman pasyente ay na-admit sa ospital subalit nakarekober na ito noong Nobiyembre 19.
Tiniyak naman ng DOH-Center for Health Development Calabarzon Regional Epidemiology Surveillance Unit sa publiko na maigting silang nakasubaybay sa sitwasyon kaugnay sa naitalang mpox cases sa rehiyon.