BUTUAN CITY – Apat na mga bagong kaso ang inihain ng Police Regional Office (PRO-13) sa Surigao del Sur Provincial Prosecutor’s Office matapos maipresenta ng operating team ang nahuling grupo nina KAPA founder Joel Apolinario pati na ang mga nakumpiskang ebidensya.
Ito’y maliban pa sa unang dalawang kasong kanilang kinakaharap na siyang ginawang basehan sa inilunsad na joint law enforcement operations.
Kasama sa mga bagong kaso ang paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) o Republic Act 9516 (Illegal Possession of Explosives and Incendiary Devices); paglabag sa Art 147 ng Revised Penal Code o ang direct assault upon person in authority dahil sa kanilang paglaban na nagresulta sa bakbakan.
Gayundin ang paglabag sa Article 147 ng Revised Penal Code o ang illegal assembly o illegal associations dahil sa pagbuo ng armadong grupo na mapatunayan sa mga nakumpiskang maraming mga short at high-powered firearms pati na ang rocket-propelled grenade at iba pang mga war materials.
Ayon kay Police Major Renel Serrano, matapos ma-itemize ang lahat ng mga nakuhang ebidensya ay kaagad na iprinisenta sa operating team ang mga nahuli at ang mga nakumpiskang ebidensya sa huwes ng Cantilan, Surigao del Sur sabay withdraw ng mga pulis sa mga ito kung kaya’t naibalik sa kanila ang kostudiya ng mga suspek at ng mga ebidensya.
Kung maaalala noon pang Hunyo 2019 ay una nang pinabubuwag ng Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ni Apolinario dahil daw sa pagiging pyramiding scam.
Nagtago naman si Pastor Apol at hindi rin sinagot ang ilang inilabas na mandamiento de aresto ng mga korte.