-- Advertisements --

Umabot na sa apat na barangay sa Binalbagan, Negros Occidental ang naapektuhan ng tumagas na molasses na sinasabing nagmula sa isang sugar mill.

Ayon kay Binalbagan Mayor Alejandro Mirasol, kabilang sa mga barangay na ito ay ang San Juan, Canmoros, Marina, at maging ang Progreso.

Paliwanag ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Kabankalan Supervising Environment Management, nag- evaporate ang pond-type stockpile ng molasses sa Binalbagan-Isabela Sugar Company dahil sa sobrang init ng panahon na umabot sa 43°C.

Batay sa datos, aabot sa 4,890 tons na molasses ang nasa pond-type stockpile habang nasa 2,400 tons nito ang natira matapos ang pagtagas nito.

Matapos ang insidente ay kaagad na kinolekta ng kumpanya ang tumagas na molasses ngunit nabigo ang mga ito na mapigilan itong kumalat sa ilog.

Nagkaroon na rin ng kaso ng fish kill sa barangay Canmoros na isa sa naabot ng pagtagas.

Bilang tugon, naglagay na rin ng sandbags sa ilog para mapigilan ang pagkalat nito habang pinayuhan rin ang kumpanya na maglagay ng bio enzymes para mabawasan ang mabahong amoy sa ilog

Nabatid na ang molasses ay isang uri ng waste agricultural product at ito ay masama sa kalusugan kung maraming amount.

Pinag-aaralan naman Pollution Adjudication Board kung maaaring mabigyan ng penalty ang nasabing kumpanya dahil sa insidente.