DAGUPAN CITY – Nakatakdang ipasuri sa Bureau of Immigration (BI) ang apat na Chinese nationals na nahulihan ng P124 milyong halaga ng shabu sa Urdaneta City, Pangasinan.
Ito’y matapos na madiskobre na dalawa sa dayuhang Intsik ang gumamit ng peke at expired na passport.
Ayon kay Pangasinan Police Provincial Office director Police Col. Wilson Lopez, makikialam na rin sa imbestigasyon ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation ang hanay ng BI laban sa apat na dayuhang Chinese.
Napag-alaman kasi na ang pasaporte ng isa sa mga suspek na si Ye Ling ay expired o wala nang bisa habang ang isa pa nitong kasamahan ay gumamit naman ng pekeng passport.
Aalamin din aniya ng BI kung paano nakapasok sa bansa ang mga nabanggit na dayuhan gayong iligal ang dokumento ng mga ito.
Tutukuyin din kung kailan dumating ang mga Chinese national at kung ilang taon nang naninirahan sa Pilipinas ang mga ito.