Nagbigay umano ng donasyong pera sa isang siyudad sa Pilipinas at mga sasakyan sa 2 police forces ang 4 na Chinese nationals, na naaresto sa Pilipinas dahil sa umano’y pagi-ispiya noong Enero, ang mga ito ay konektado din umano sa Chinese Communist Party (CPP)-affiliated groups, base sa report mula sa international news agency (Reuters).
Nauna ng iniulat ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang 4 na naarestong Chinese na sina Wang Yongyi, Wu Junren, Cai Shaohuang, at Chen Haitao ay kinasuhan ng espionage matapos na magpalipad ang mga ito ng drones para makakalap ng mga larawan ng Philippine naval forces malapit sa disputed waters.
Nadiskubre mula sa kanilang mga cellphone ang mga larawan at mga mapa ng mga sensitibong sites.
Batay sa report, ang mga akusado ay lider umano ng civic groups na pinamamahalaan ng foreign influence network ng Chinese Communist Party.
Ang naturang mga grupo ay nagbigay umano ng mga donasyon sa siyudad ng Tarlac at sa police forces ng lungsod at motorbikes sa Manila police sa pamamagitan ng Chinese-backed groups noong 2022, bagamat hindi malinaw ang motibo sa pagbibigay ng nasabing mga donasyon.
Binanggit nito na ang Tarlac ay tahanan ng pangunahing base militar kabilang ang isa na ginagamit ng Pilipinas at US para sa live-fire exercises sa taunang military drills, bagamat ang mga larawan ng base militar sa naturang lugar ay hindi kabilang sa sites na nadiskubre ng NBI mula sa devices ng mga nahuling Chinese.
Samantala, base din sa report, nakipagkita din umano ang nasabing mga Chinese spies kay Chinese military attaché in Manila Senior Col. Li Jianzhong, nang isang beses ilang linggo bago sila maaresto. Nakipagkita din ang 3 dito na sina Wang, Wu at Ci sa Chinese attache ng 3 beses noong 2024 kabilang noong Mayo nang binuksan nito ang tanggapan ng civic groups sa Manila.
Ang mga detalyeng ito ay hindi pa naiuulat mula sa mga pahayag ng mga imbestigador sa Pilipinas, bagamat nauna ng inilarawan ng NBI na ang mga naarestong Chinese ay nagpapanggap umano bilang harmless members ng lehitimong organisasyon habang nagsasagawa ng surveillance.