-- Advertisements --

Sabay-sabay nang nagpapakawala ng tubig ang apat na dam sa Luzon dahil sa sunod-sunod na mabibigat na pag-ulan.

Kinabibilangan ito ng Angat Dam, Ipo Dam, Ambuklao, at Binga Dam.

Sa Angat, dalawang gate nito ang nakabukas at may kabuuang isang metrong opening. Ito ay nagpapakawala ng kabuuang 141.60 cms ng tubig. Bahagya na ring bumaba ang lebel ng tubig nito mula sa dating 214.25 meters pababa sa 214.72 meters.

Bukas naman ang dalawang gate ng Ipo Dam at nagpapakawala ng kabuuang 136.60 cms ng tubig mula sa halos isang metrong opening.

Bagaman kahapon(Feb. 13) pa binuksan ang gate ng naturang dam, lalo lamang tumaas ang lebel ng tubig nito mula sa dating 100.95 metres papuntang 101.08 meters.

Ngayong araw, nagbukas na rin ng tig-isang gate ang pinakamalalaking dam sa Cordillera Administrative Region na Ambuklao at Binga Dam.

Sa Ambuklao, dalawang gate nito ang nakabukas at nagpapakawala ng kabuuang 33 cms ng tubig habang 38 cms naman ang pinapakawalan ng Binga.

Bahagya namang bumaba ang lebel ng tubig sa Ambuklao mula sa dating 751.83 meters patungong 751.54 meters.

Bumaba rin ang lebel ng tubig sa Binga mula sa dating 574.64 meters patungong 574.16 m.

Sa tatlong nabanggit na dam, tanging ang Angat ang may lebel na mas mataas kumpara sa Normal High Water Level (NHWL) nito – 212 m ang NHWL ng dam ngunit umaabot sa 214.72 ang kasalukuyan nitong lebel.

Pawang mas mababa sa NHWL ang lebel ng tubig naman sa tatlong iba pa na pawang nagpapakawala rin ng tubig.

Gayonpaman, ilang sentimetro lamang ang ibinaba ng lebel ng tubig sa mga ito at nananatiling malapit sa NHWL.