-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagdulot ng pangamba sa mga residente ang pagkakadiskubre sa apat na fetus sa Barangay Calayucay sa bayan ng Sto. Domingo, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. Genevieve Oserin, hepe ng Sto. Domingo Municipal Police, nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang concerned citizen patungkol sa umano’y nadiskubreng mga fetus.

Agad namang rumisponde ang mga pulis kasama ang mga tauhan ng municipal health unit upang kumpirmahin ang naturang report.

Subalit nadiskubre ng mga otoridad na fetus lang pala ng baboy ang mga ito at hindi naman tao.

Pinaniniwalaan ng mga pulis na posibleng inanod lang papunta sa lugar ang naturang mga fetus dahil madalas umanong dinadaanan ng malakas na agos ng tubig ang barangay tuwing umuulan.