Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na apat na heneral ang pinagpipilian para maging successor ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año.
Si Gen. Año ay nakatakdang magretiro na sa serbisyo sa darating na October 26.
Kabilang sa mga pinagpipiliang heneral ay si Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez na nanguna sa operasyon sa Marawi laban sa mga teroristang Maute.
Isa rin sa mga ikinukonsidera si Eastern Mindanao Command chief Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero, gayundin sina AFP vice chief of staff Lt. Gen. Salvador Mison, at AFP Deputy chief of staff Vice Admiral Narciso Vingson.
Sa apat na nabanggit, sina Galvez at Guerrero ang sinasabing malakas na contenders.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Sec. Lorenzana, kaniyang sinabi na hinihintay niya ang ibibigay na rekomendasyon ng Board of Generals (BOG).
Aniya, posibleng sa susunod na linggo ay kanila nang maibibigay kay Pangulong Duterte ang listahan.
“Wala pang nai-submit ang BOG. Maybe next week meron na,” mensahe na ipinarating ni Lorenzana sa Bombo Radyo.