-- Advertisements --
Arestado

Matagumpay na inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang apat na indibdiwal na gumagamit umano sa opisina ni Senador Win Gatchalian para makapanloko.

Kinilala ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized and Transnational Crime Division ang mga suspect na sina RYAN LESTER PLACIDO DINO(a.k.a. DAVID LUIS TAN), CARLO AFRICA MADERAZO(a.k.a. ENGINEER MADERAZO), DINA JOSON CASTRO, at MA. LUISA JOSON BARLAN.

Sila ay mahaharap ngayon sa mga kasong Estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code , Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code , Concealing True Name sa ilalim ng Article 178 ng RPC, at paglabag sa R.A. 6085 (Anti-Alias Law).

Ang kaso ay nagmula sa pag-endorso ni Senador Win Gatchalian laban sa mga walang prinsipyong indibidwal na ginamit ang kanyang opisina upang mabiktima at mangolekta ng pera mula sa mga hindi inaasahang biktima.

Ayon sa nagreklamong indibidwal, ang subject na si Maderazo ay nagpakilala umano bilang engineer at at authorized representative mula sa opisina ni Senator Gatchalian.

Ipinaalam umano muna nito ang planong Reclamation Project sa Pasay City at kaugnay nito , ang lokal na pamahalaan ay nangangailangan ng supplier ng aggregates.

Sinabi Maderazo na kailangang magbayad ng complainant ng lock-in payment na Php100,000.00 at ang upfront fee na Php400,000.00 ay ipapamahagi sa mga empleyado ng Pasay City Hall bilang grease money.

Gayunpaman, matapos ang isinagawang beripikasyon, lumalabas na hindi konektado kay Senator Gatchalian ang suspect.

Wala rin umanong reclamation project ang Pasay City batay na rin sa kumpirmasyon ng kanilang lokal na pamahalaan.

Ito na ang naging hudyat kung kayat nagsagawa ng opearsyon ang mga awtoridad na nagresulta nga sa pagkaka aresto ni Maderazo at kanyang mga kasamahan.