-- Advertisements --

Pormal nang sinampahan ng kaso ng Philippine National Police ang apat na indibidwal na may kaugnayan sa madugong shooting incident sa dalawang pasahero ng Victory Liner bus sa Nueva Ecija.

Ito ang iniulat ng Nueva Ecija Police Provincial Office hinggil sa mga bagong development sa nasabing krimen makalipas ang halos isang buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni NEPPO Director PCol. Richard Caballero na batay sa kanilang ikinasang malalimang imbestigasyon ay lumalabas na isang gun-for-hire na nag o-operate sa Nueva Ecija at Isabela ang sa sa mga gunman sa nasabing krimen na kinilalang si Allan Delos Santos.

Si Delos Santos ay naaresto ng mga otoridad sa Dilasag, Aurora noong Nobyembre 20, 2023 sa bisa ng warrant of arrest na may kaugnayan naman sa kasong statutory rape at sexual assault na kaniyang kinasasangkutan.

Nang matimbog ng mga kapulisan ay dito na ikinanta ni Delos Santos sa kaniyang extra-judicial confession na ang utak pala sa likod ng nasabing krimen ay ang mismong anak na lalaki ng babaeng biktima.

Batay sa kaniyang salaysay, mismong ang anak ng biktima ang kumuha sa kanya para gawin ang nasabing krimen kapalit ng PHP60,000.

Dahil dito, nahaharap ngayon sa criminal complaint para sa two counts of murder si Delos Santos, kasama ang isa pang gunman na kinilalang si Romelito Fabianes o alyas Umpak, ang mastermind sa nasabing kaso na anak ng babaeng biktima, at maging ang kaniyang kinakasama na inihain naman ng kapulisan sa prosecutor’s office sa Nueva Ecija.

Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang manhunt operation ng PNP laban sa isa pang gunman sa nasabing krimen.

Sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni Police Regional Office Central Luzon Police Director, PBGen. Jose Hidalgo na bagama’t case solved na ito ay hindi pa rin ganap na isasara ng mga otoridad ang nasabing kaso hangga’t hindi pa nahuhuli ang iba pang sangkot sa nasabing krimen.

Kung maaalala, nagimbal ang lahat matapos na kumalat ang video ng CCTV footage sa loob ng bus na kinalululanan ng dalawang biktima ang aktong walang habas na pamamaril ng anim na beses sa ulo at leeg sa dalawa ng dalawang gun man na kapwa nagpanggap na mga pasahero.

Magugunitang batay din sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, may matagal nang alitan ang mag-ina bago mangyari ang naturang krimen.