Apat na indibidwal sa Kidapawan City tumanggap ng P90k mula sa balik probinsya bagong pag-asa program ng DSWD
CENTRAL MINDANAO-Apat na mga benepisyaryo ng Balik Probinsya Bagong Pag-asa Program ng Dept of Social Welfare and Development Office o DSWDO ang nakatanggap ng tig-P90,000 o kabuong halaga na P360,000 na financial assistance.
Ito ay kinabibilangan nina Jalyn Pinantao ng Brgy Kalasuyan na naging worker sa Metro Manila, Reymund Polinar ng Barangay Kalasuyan, isa ring worker sa Davao City, April Garcia ng Barangay Binoligan, naging worker sa Cebu City, at Cesar Doblas ng Barangay Sudapin na nagtrabaho din sa Cebu City.
Lahat sila ay matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic nitong nakalipas na dalawang taon at nagdesisyong umuwi o bumalik sa Lungsod sa Kidapawan sa tulong ng DSWD Balik Probinsiya Bagong Pag-asa Program o BP2, ayon kay Daisy P. Gaviola, City Social Welfare and Development Officer ng Kidapawan.
Sa pamamagitan ng Executive Order o EO No. 114, ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng tulong sa mga mamamayan partikular na ang mga taga ibang lungsod o probinsya na nagtatrabaho sa Metro Manila at iba pang lungsod tulad ng Cebu at Davao at naapektuhan ng COVID-19.
Mga low-income workers o low-salaried employees na nawalan ng trabaho at nakaranas ng matinding hirap sa Metro Manila at iba pang lungsod ang target mabigyan ng ayuda sa ilalim ng BP2 Program sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit o LGU.
Kabilang din sa mga konsiderasyon upang mabigyan ng tulong ng BP2 Program ang isang mangagawa ay ang mga sumusunod:
nagdesisyon ang pamilya nito na umuwi o bumalik na lamang sa probinsya, napatunayang nawalan ng trabaho (lay-off, company shut down/stop operations), hindi ligtas na tirahan o kapaligiran at exposure sa sakit o karamdamang dulot ng COVID-19 sa mismong lugar na tinitirahan, ayon pa kay CSWD Officer Gaviola.
Samantala, ang mga benepisyaryong sina Pinantao, Polinar, Garcia, at Doblas ay nagpahayag na hindi na babalik sa Metro Manila at Cebu at dito na maghahanap-buhay sa Kidapawan City.
Magtatayo sila ng maliit na negosyo (agri-business o sari-sari/retail store) gamit ang natanggap na pera mula sa DSWD.
Maliban sa CSWDO ay pinasalamatan din ng mga benepisyaryo si dating City Mayor at ngayon ay 2nd District of Cotabato Board Member Joseph A. Evangelista sa mga ginawa nitong hakbang upang sila ay makahulagpos mula sa matinding problema at makauwi sa lungsod.
Ipinaabot din nila ang kanilang pasasalamat kay City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista dahil ipinagpatuloy nito ang mga programang angkop sa pangangailangan ng mga maliliit na manggagawa at maliliit na mga negosyante at makabangon sila mula sa hagupit ng COVID-19.