Ginawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kagalingan ang apat na jail officers na napigilan ang tangkang pagkuha sa lider ng Chinese criminal syndicate na si Hu Yang matapos silang tambangan ng mga armadong kalalakihan habang binabaybay ng mga ito ang service road ng Cavite Expressway (Cavitex) sa Parañaque City noong Abril 7.
Iginawad ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief, Jail Director Ruel Rivera ang medalya kina Jail Officer 2 Leif Joseph Talanquines na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaliwang balikat at tatlong iba pang jail officers na hindi nasugatan sa insidente.
Ayon kay Rivera, ang mabilis at mahusay na pagtugon ng mga jail officer ay sumasalamin ng kanilang katapangan, propesyunalismo at tunay na serbisyo-publiko.
Bunsod nito, agad ding naaresto ang anim na suspek na nasa likod ng pananambang kung saan 4 dito ay mga Pilipino at 2 ay Chinese nationals.
Pinuri din ni NCRPO Director Major General Anthony Aberin ang Parañaque police at SWAT teams na tumulong para maharang ang tangkang pagtakas sa suspek na Chinese.
Ayon kay Aberin, si Hu ay lider umano ng criminal syndicate na sangkot sa kidnapping, pagnanakaw ng sasakyan, pangingikil at gun-running activities.
Naaresto si Hu sa Parañaque City noong nakaraang taon at napaulat na pugante sa China dahil sa mga kasong kidnapping.