Patay ang 4 na law enforcement officers habang sugatan naman ang 4 na iba pa na magsisilbi sana ng warrant sa isang kriminal na wanted sa illegal possession of firearms sa Charlotte, North Carolina.
Ayon sa US Marshals Service, isang deputy US Marshal ang napatay habang ang 2 pang enforcement officer ay natukoy na sina Sam Poloche at Alden Elliott, na nagmula sa North Carolina Department of Corrections na nadestino sa U.S. Marshals fugitive task force at 14-year veterans ng departamento.
Ang ikaapat naman na opisyal na nasawi ay si Joshua Eyer, miyembro ng Charlotte-Mecklenburg Police Department.
Una rito, nangyari ang insidente nang paputukan ng suspek ang US Marshals Service fugitive task force na binubuo ng mga opisyal mula sa multiple agencies na magsisilbi sana ng warrant sa naturang convicted criminal.
Ayon naman kay Charlotte-Mecklenburg Police Chief Johnny Jennings, napatay ang suspek sa shootout sa mga pulis. Natukoy naman kalaunan ang suspek na si Terry Clark Hughes Jr. 39 anyos.
Hinala ng mga pulis na 2 ang shooter na sangkot sa insidente.
Natagpuan din sa loob ng bahay ng suspek ang isang babae at 17 anyos at dinala sa police station bilang persons of interest.
Samantala, nagpahayag naman ng pakikiramay si US President Joe Biden sa naulilang pamilya ng mga nasawing law enforcement officials na tinawag niyang mga bayani na nagsakripisyo para protektahan ang kanilang mamamayan. Nagpaabot din ng dasal ang US president para sa agarang paggaling ng mga matatapang na opisyal na nasugatan din sa shooting incident.