BAGUIO CITY – Nananatiling naka-lockdown ang tatlong bayan at isang barangay sa lalawigan ng Benguet dahil pa rin sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo News Team, ipinapatupad pa rin ang lockdown sa mga bayan ng Atok, Bokod, Kapangan at ang Barangay Beckel sa La Trinidad.
Iginiit ng mga municipal agriculturists sa apat na bayan na bahagi pa rin ito ng preventive measures para maprotektahan ang kabuhayan ng mga nag-aaalaga ng baboy sa mga naturang lugar.
Una rito ay ipinag-utos ni Benguet Governor Melchor Diclas ang pagsasagawa ng mga opisyal ng bayan ng mga hakbang para malabanan ang ASF.
Samantala, sa pinaka-huling monitoring ng Benguet Provincial Veterinary Office ay nananatiling Red Zone ang pitong lugar sa Benguet dahil sa epekto ng ASF.