VIGAN CITY – Inaprubahan na ng Inter Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases- Region 1 ang apela ni Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson na isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang dalawang lungsod at dalawang bayan sa lalawigan.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ipinalabas ng Department of Interior and Local Government – Regional Field Office 1 na tumatayong Regional IATF sa Region 1 ang Resolution No. 26 S. 2020 kung saan nakapaloob ang kautusan na pinapayagan ng nasabing tanggapan na isailalim sa MECQ ang lungsod ng Vigan at Candon, kasama na ang bayan ng Caoayan at Magsingal base na rin sa kahilingan ng provincial government sa pamamagitan ng Executive Order No. 26 na nilagdaan ni Governor Singson.
Hiniling ng provincial government na maibalik sa MECQ ang mga nasabing lugar dahil hindi pa inaprubahan ng National IATF ang kahilingan ng gobernador na ibalik sa MECQ ang buong lalawigan matapos makumpirma na mayroon ng local transmission ng COVID- 19 sa Ilocos Sur.
Ito rin ang isa sa mga hakbang ng provincial government at mga local government units upang mapigilan ang patuloy na pag-akyat ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 virus sa lalawigan.
Magsisimula bukas ang implementasyon ng panibagong community quarantine classification sa mga nasabing lugar hanggang sa August 21.
Nauna nang nagpalabas ang provincial government ng siyam na mas mahigpit na guidelines par sa mga residente ng Ilocos Sur upang malimitahan ang paglabas ng mga tao sa kani-kanilang tahanan at maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.