-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na sa ngayon ng mga otoridad ang apat na miyembro ng isang pamilya matapos na makuhaan ng matataas na uri ng armas ng pinagsanib na puwersa ng 37th IB Phil Army, 603rd Brigade, CIDG-BARMM at Maguindanao PNP sa probinsya ng Maguindanao.

Ayon sa report, kinilala ang mga suspek na sina Guiaman Lumbos, Ali Lumbos, Samsudin Lumbos at Digna Lumbos Dirangaren, pawang residente ng Barangay Langkong sa bayan ng Matanog at pinaniniwalaang miyembro umano ng isang lawless group.

Kasabay sa pagka-aresto ng mga suspek, nakuha sa posisyon ng pamilya Lumbos ang 36 na mga matataas na uri ng baril na kinabibilangan ng 30 improvised sniper rifles, dalawang M-16 assault rifles, isang M-203 grenade launcher, isang M-14 rifle, isang M-1 carbine rifle, isang granada, mga bala at magazines.

Napag-alaman na matagal na na mino-monitor ng PNP at AFP ang mga suspek.

Sa ngayon, nakakulong na ang mga ito at nahaharap na kasong paglabag sa Republic Act No. 10951 o illegal possession of firearms and ammunitions.