LEGAZPI CITY- Naglunsad na ng operasyon ang mga otoridad upang mahanap ang apat na mangingisda na naiulat na nawawala mula sa Barangay Sorosimbahan, Esperanza, Masbate matapos na pumalaot at maabutan ng sama ng panahon dala ng Bagyong Jolina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rhouy Becamon ng Esperanza MDRRMO, edad 20, 28, 29 at 42 ang mga hindi pa pinangalanang mangingisda na hindi pa rin nakakauwi mula pa kahapon.
Sakay umano ang mga ito ng isang kulay berde at puting bangka na pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad.
Samantala, kaninang hapon ng maglandfall ang bagyo sa Masbate na nagdala ng malakas na pag-ulan at hangin.
May ilang lugar na ang naiulat na binaha habang may mga kabahayan na rin ang nagtamo ng pinsala subalit patuloy pa itong bineperepika ng mga DRRMO.
Samantala wala pa naman na naiuulat na casualty sa naturang bagyo.