LEGAZPI CITY- Hindi nawawalan ng pag-asa ang mga lokal na opisyal ng Bato, Catanduanes na ligtas na makakabalik ang apat na mangingisda na pumalaot sa karagatan noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Bato MDRRMO head Donnabelle Tejada sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pumalaot ang apat na mangingisda noon pang Oktubre 22, subalit hindi pa rin nakakabalik hanggang ngayon.
Aniya, naghihintay sila ng hanggang alas-3 ngayong hapon subalit kung hindi pa makauwi ang mga ito ay idedeklara na silang missing.
Nabatid na sa mga sandaling ito ay ramdam na ang malakas na alon ng karagatan sa naturang lalawigan na pinangangambahang unang tatamaan ng bagyong Quinta.
Sa hiwalay na panayam naman kay PAGASA Legazpi forecaster Michael Almojuela, sinabi nito na posible pang itaas sa typhoon category ang kasalukuyang severe tropical storm category.