BUTUAN CITY – Nilinaw ni Captain Al Anthony Pueblas, ang Civil Military Operations (CMO) officer ng 4th Infantry ‘Diamond’ Division, Philippine Army ang pagkapatay ng 11 mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur ay resulta ng limang sunod-sunod na engkwentrong nagsimula nitong Mayo a-14 hanggang a-19 ngayong taon.
Naganap umano ito sa bukirang bahagi ng Andap Valley mula sa bayan ng Lianga hanggang sa Tago sa pagitan ng mga tropa ng 401st Brigade at ng di pa malamang bilang ng mga mandirigma ng Northeastern Mindanao Regional Committee.
Dagdag ng opisyal, apat sa mga napatay ay malalaking lider ng rebeldeng grupo na kasamang na narekober sa nakubkob na kampo ang limang mga armas, 2 laptops, isang overhead projector, flash drives, external hard drives, 2 anti-personnel mines, hand grenades, bandoleers, iba’t ibang uri ng mga bala at mga magazines, handheld radios, personal belongings, iba’t ibang mga food and medical supplies, at mga subersibong dokumentong may high tactical value.
Pinaniniwalaang kasama sa mga namatay ay sina Myrna Sularte na mas kilala sa bansag na “Ka Maria Malaya”, ang Secretary ng NEMRC, at Alvin Loque o mas kilalang si “Ka Joaquin Jacinto”, ang spokesperson ng Komisyun Mindanao (KOMMID) dahil sila umano ang may-ari ng 2 laptop computers at isang projector.
Present din umano sa panahon ng bakbakan ang personal at security staff ni Ka Maria Malaya na sina Alfie Masinatao Basa aka “Momoy”,ang Vice CO ng Regional Headquarters (RHQ), NEMRC, at Lorna Pamutongan Gomez o Ka “Momay”, ang Medical Staff ong RHQ, NEMRC.