LA UNION – Apat na medical workers sa San Fernando City ang kabilang sa mga limang bagong kaso ng COVID 19 sa lalawigan ng La Union na naitala kahapon, Nobyembre 2.
Base sa report na galing mismo sa lokal na pamahalaan at pag-kumpirma ng Department of Health Center for Health Development Region I, ang apat na bagong kaso ay nagmula sa syudad ng San Fernando habang isa naman sa bayan ng Bauang.
Tatlo sa mga medical workers na nagpositibo sa COVID 19 ay galing ng syudad.
Kinabibilangan ito nina: Patient #215 (29-anyos, babae, residente ng Purok 6 Brgy. Sevilla );
Patient #216 (27 anyos, babae, residente ng Purok 7 Brgy. Santiago Norte); at
Patient#217 (31-anyos, lalaki, residente ng Purok 6 Barangay San Agustin); pare-parehong asymptomatic, at wala umanong exposure sa mga COVID patients, naka-admit ang mga ito sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC).
Ang ika-apat na kaso sa syudad ay si Patient #218, 77-anyos na lolo ng Barangay Sevilla, symptomatic, at wala din exposure sa COVID 19 patient, naka-admit sa ITRMC.
Samantala, kinumpirma ni Mayor Menchie de Guzman na mula sa kanilang bayan ang ika-5 kaso ng COVID 19 na naitala kahapon, Nobyembre 2.
Isa din itong medical worker sa isang pagamutan, 34-anyos, residente ng Parian Oeste, asymptomatic, at ginagamot ngayon sa ITRMC.
Agad naman gumalaw ang contact tracing team para alamin ang mga taong nakahalubilo ng mga COVID patients at mapigilan ang lalo pang pagkalat ng sakit.
Agad ding ipinatupad ang localized lockdown, partikular sa family compound ng pasyente sa Bauang, La Union
Sa kasalukuyan, 48 ang mga active cases habang 477 na ang mga confirmed COVID infections sa lalawigan.