-- Advertisements --

(Update) DAGUPAN CITY – Nagpaalala ang mga kinauukulan sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak kasanod ng pagkamatay ng apat na mga menor de edad matapos malunod sa pinagliguang fishpond sa San Ildefonso, Bulacan .

Nagdadalamhati ngayon ang mga kaanak ng mga nasawing biktima na sina Mika Rivera, 12; Marjoy Yola, 11; Mark Rivera, 10, at isang tinukoy lamang sa pangalang “Brix Jonathan,” 8.

Ang katawan ng mga bata ay narekober ng search and rescue team matapos na magkakasunod na lumutang ang mga katawan sa fishpond sa lugar.

Nagawa pa silang maisugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Nagkatuwaan umanong maligo sa fishpond na pag-aari ng negosyanteng si Arvin Villacorta ang mga bata bunga ng sobrang init ng panahon .

Ngunit napagawi sa malalim na bahagi ng fishpond ang isa sa mga bata na tinangkang sagipin ng iba pang biktima pero maging ang mga ito ay nalunod.

Isa namang kalaro ng mga bata ang nakaligtas na siyang humingi ng saklolo sa mga residente sa lugar.