-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakauwi na sa kanilang bahay ang apat kataong naiulat na nawawala sa Esperanza, Masbate sa kasagsagan ng Bagyong Jolina.

Pagbabahagi ni MDRRMO Esperanza officer Rhouy Becamon sa Bombo Radyo Legazpi, nagawa ng mga itong makapagmaniobra ng bangkang sinasakyan patungo sa Brgy. Magarao sa bayan ng Placer.

Nakituloy na rin muna ang mga ito sa naturang island barangay at hinintay na humupa ang sungit ng panahon.

Wala rin umanong tinamong sugat ang mga ito.

Samantala, walang gaanong pinsala na naitala sa naturang bayan ang bagyo kahit pa umabot sa higit 600 indibidwal ang inilikas.

Maliban umano sa pagkasira ng ginagawang detour bridge na nagkakahalaga ng P400-K ang pinsala, hindi naman major damage ang tinamo ng iba pa sa imprastraktura at agrikultura.