-- Advertisements --

NAGA CITY – Sumuko sa pamahalaan ang apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) at tatlo ring miyembro ng komunistang Militia ng Bayan sa Catanauan, Quezon.

Kinilala ang dating mga rebelde na sina alias Rommel, alias Roy, alias Onil at alias Ayri na regular members ng Platun Reymark sa ilalim ng Sub-Regional Military Area 4B habang kinilala naman ang tatlong miembro Militia ng Bayan na sina alias Geo, alias JR, at alias Warly mula sa Brgy San Vicente Kanluran at Brgy San Pablo Suha sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Public Affairs Office (DPAO), 2ID Philippine Army, Camp General Mateo Capinpin, sa Tanay Rizal, napag-alaman na kasama sa mga isinuko ng nasabing mga rebelde ang AK47 rifle, 15 rounds of live ammunition at mga magazine.

Samantala, nananatili pa ring aktibo ang tropa ng pamahalaan para sa tuluyang pagwawakas ng insurgency sa bansa gayundin ang pagbabalik loob sa pamahalaan ng mga rebelde.

Sa ngayon, inihahanda na ang mga benepisyo para sa mga sumukong miyembro ng NPA sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.