-- Advertisements --

NAGA CITY- Sumuko sa pamahalaan ang isang 15-anyos at apat na iba pang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Quezon.

Kinilala ang mga ito na sina alias Honey, alias Rene, alias Jack at isang child warrior.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa 2ID, Philippine Army Camp General Mateo Capinpin ng Tanay, Rizal, napag-alaman na ang naturang child warrior ay kabilang sa indigenous tribe na Dumagat.

Samantala, sa naging pahayag naman ni Major General Arnulfo Marcelo Burgos Jr, Commander of the Philippine Army 2nd Infantry Division, sinabi nito na ang naturang pagsuko ng mga NPA ay dahil sa patuloy na pagsusumikap ng national at lokal na pamahalaan maging ng mga ahensiya na mawakasan ang local communist armed conflict.

Aniya, kung magpapatuloy ang ganitong hakbang ng pamahalaan, unti-unting maaabot ang naisin ni Pangulong Rodrigo Duterte na insurgency-free na bansa.

Sa kabila nito, tiniyak ni Burgos na hindi titigil ang lokal na pamahalaan maging ang tropa ng gobierno gayundin ang mga ahensiya sa pagsugpo sa mga teroristang grupo.

Ayon pa dito, umabot na sa 572 ang bilang ng mga rebelde na sumuko sa 2ID simula ng ipatupad ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) noong 2016.

Sa ngayon, ipapasailalim naman sa E-CLIP ng pamahalaan ang mga miembro ng rebeldeng grupo kung saan pwedeng ma-avail ang hanggang P700,000 worth na mga government grants.