-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tuluyan ng tinalikuran ng apat na mga kasapi ng ekstremistang grupo ang armadong pakikibaka matapos na sumuko ang mga ito sa punong himpilan ng 7th Infantry (Tapat) Battalion sa Brgy Kapaya, Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Ayon kay Lt. Col. Frederick Chicote, ang Commanding Officer ng 7IB sumuko ang dating mga rebelde dahil sa pinalakas na kampanya ng militar kontra terorismo. “Dalawa sa mga sumuko ay residente ng Datu Odin Sinsuat at ang dalawa pa ay nakatira naman sa Gen. Salipada K. Pendatun lahat sa lalawigan ng Maguindanao del Sur,” giit ni Lt. Col. Chicote.

Isinuko din ng apat ang bitbit nilang kagamitang pang giyera kagaya ng isang M14 Rifle, isang Garand Rifle, isang M79 Homemade Grenade Launcher, dalawang RPG Launchers, anim na Anti-personnel RPG ammo, isang IED, dalawang UXOs (81MM HE at 60MM HE), limang Hand Grenades, tatlong Rifle Grenades, at isang Ctg; 40MM HE.

Agad namang iprenisinta ang mga nagbalik-loob kay Brigadier General Michael A. Santos, ang Brigade Commander ng 603rd Persuader Brigade sa isinagawang simpleng seremonya sa tahanan ng tapat batalyon.

“Nakahanda ang 603rd Brigade na suportahan ang inyong pagbabalik sa ating lipunan, na muling tumalima at sumununod sa pinaiiral na batas ng ating bansa, upang gawing mas payapa at tahimik ang lalawigan ng Sultan Kudarat laban sa anumang banta ng terorismo”, pahayag ni Brig. Gen. Santos.

Sinaksihan at nagpaabot ng tulong pinansiyal at food packs sina Datu Yahiya Sinenggayan, focal person Sultan Kudarat PTF – ELCAC at ang mga kawani ng DSWD 12 na pinamunuan ni Mr. Ryan Balanza, Division Chief, Protective Services, DSWD 12.

Pinuri naman ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang desisyon ng apat na sumuko hinggil sa pagbibigay puwang na manaig ang kapayapaan.

“Ang pagsuko ng apat sa tropa ng 7IB ay isang mahalagang hakbang tungo sa kapayapaan. Kahit gaano ka pa ka-dedikado sa paglilingkod sa iyong mga lider sa armadong kilusan kung ‘di mo naman nakakasama ang iyong pamilya at mahal sa buhay, balewala lahat ng iyong mga pagsisikap na ito. Pinupuri namin ang inyong desisyon na piliin ang kapayapaan sa halip na karahasan, at hinihikayat ko ang iba pa ninyong dating kasamahan na sundan ang inyong mga yapak,” saad pa ni Maj. Gen. Rillera.

Sa ngayon, nasa 43 mga violent extremist na ang sumuko sa ilalim ng JTF Central mula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.